Monday, November 14, 2011

Mga Tungkulin ng mga Grupong Pandulaang Nakabase sa Unibersidad


Functions of Student Theater in Universities
(Mga Tungkulin ng mga Grupong Pandulaang Nakabase sa Unibersidad)
a talk delivered in the Tanghalan ng Mag-aaral NCR Conference
August 26-27, 2011 at the NCCA 

Bago natin talakayin ang mga tungkulin ng mga grupong pandulaan na nakabase sa mga unibersidad, marapatin niyo munang isa-isahin ko ang mga kalikasan ng mga teatro sa kabuuan na maaari rin nating makita sa mga paaralan at unibersidad.  At habang hinihimay natin ang mga kalikasang iyon, baka sakaling makita sa mga ito ang katangian ng ating mga kanya-kanyang grupong panteatro.  Ang mga katangiang ito ay nakatuon sa mga palabas na nakagawiang itanghal ng grupong panteatro.  Hindi ito naglalayong ikahon ang mga grupo bagkus maunawaan natin kung paano tayo gumagalaw sa loob ng isang istraktura tulad ng isang unibersidad at baka sakali ring matukoy natin kung paano tayo gagalaw o makikipag-ugnay sa komunidad na ating kinabibilangan.

May mga grupong ang layunin ay pangalagaan at panatilihin ang isang dramatikong anyo.  Ito ang mga grupong nakabase sa pagsasadula ng isang uri ng dula lamang. May mga grupong nagtatanghal lamang ng “Shakespearean Drama,”   mayroon namang nalilinya sa pagtatanghal ng mga sarsuela, mayroon din namang mga dulang relihiyoso at buhay ng mga santo ang nais.  Malay man sila o hindi, mahalaga sa kanila ang mai-ugnay ang kanilang sining sa mga manonood.  Ang kanilang misyon ay para lamang sa mga namumuhunan at maaaring hindi makaimpluwensya sa kanilang pang-araw araw na operasyon.  Naniniwala ang mga namamahala rito sa kahalagahan ng produksyon.  Ang presyo ng tiket ay nakalaan din sa halaga ng produksyon (production cost).  Nakapaloob din sa mga palabas na ito kung paano nila nakikita ang mundo.  Sining ang pangunahing pinanggagalingan ng motibasyon at hindi ang mga manonood.    Karaniwang mataas ang antas pang-artistisko ng mga produksyon. 

Ang ikalawa ay ang tinatawag nating “Avant Garde” Theater.  Ito ang mga grupong hindi natatakot sumugal.  Sila ay lumilikha para sa sining at para sa mga artista.  Kung minsan nagiging sagabal ang mga pangangailangang legal o moral sa kanilang paglikha dahil ang kanilang sining ay naglalatag ng ibang pamamaraan ng pagtingin sa isang bagay.  Karamihan ng mga artista sa isang “avant garde” theater ay hindi nakaugnay sa mga nangyayari sa kapaligiran.  Masidhi rin ang paniniwala nila sa kahalagahan ng kanilang ginagawa dahil para sa kanila ang teatro ay nagsisilbing salamin ng buhay.  Napakataas rin ng antas pang-artistiko ng kanilang mga produksyon. 

Ang ikatlo ay mga dulaang nagbibigay serbisyo sa komunidad.  Ang komunidad na ito ay maaaring ang unibersidad, ang komunidad o barangay na malapit sa kanilang paaralan o ang mga sari-sarili nilang komunidad.  Ang kanilang misyon ang nagiging gulugod ng kanilang teatro. Nakasentro ang kanilang mga desisyon sa pagbibigay serbisyo sa kapwa dahil para sa kanila, ang sining ay may moral na responsibilidad sa komunidad na kanilang kinabibilangan.  Naniniwala sila na bilang mga manggagawang pangkultura, sila ay dapat maging mas abante sa pangkaraniwang tao.  Mahalaga sa kanila ang pakikipag-ugnay sa loob man o labas ng kanilang organisasyon.  Malay din ang komunidad sa kanilang mga layunin at sa kanilang mga ipinaglalaban.  Ang presyo ng tiket (kung mayroon man) ay nakabatay pa rin sa kakayanan ng komunidad na kanila ring mga manonood.  Ang kapakanan ng manonood ang pangunahing layunin at nasusukat ang tagumpay nito sa suporta ng manonood.

Ang ikaapat ay halos kapareho lang ng ikatlo maliban sa layunin nitong gamitin ang teatro para makapagturo at makapagbigay-kaalaman.  Bagamat hindi naman nangangahulugan na ang teatrong ito ay naka-base sa isang paaralan.  Mahalaga ang pakikipagtulungan at pakikipag-ugnayan ng manonood.   Ang bisyon, misyon at layunin ng organisasyon ang nagsisilbing gabay sa pagsasagawa nila ng kanilang mga produksyon.  Naniniwala sila na ang sining ay may layuning makapagbahagi ng kaalaman sa mga manonood.  Alam rin ng komunidad ang mga bagay na kanilang pinahahalagahan.  Ang kapakanan ng manonood ang pangunahing layunin at nasusukat ang tagumpay nito sa suporta ng komunidad.

At ang ikalima naman ay mga teatrong nagbibigay halaga sa paghahatid aliw sa mga manonood.   Ang kanilang misyon ay mapaligaya ang mga namumuhunan at ang presyo ng tiket ay nakabatay sa halaga ng produksyon (production cost).  Ang kapakanan ng manonood ang pangunahing layunin at nasusukat ito sa masining na pamamaraan at kung gaano kalawak ang kanilang naabot (audience reach).  Karaniwang mga kanluraning palabas tulad ng mga Broadway at West End plays ang kanilang itinatanghal.

Tulad ng nabanggit kanina, dahil buhay na buhay ang teatro sa mga unibersidad, hindi natin sila dapat ikahon sa iisa lang kalikasan at katangian.  May mga grupong panteatro na tumatawid (cross-over) sa dalawa o higit pang mga katangian.  Ito ay nagbuhat sa kanilang paghahanap ng kanilang pagkakakilanlan at mithiing makagawa ng “marka” sa kanilang larangan. 

Kaya’t kung susuriin natin ang limang kalikasang ito ng mga teatro, maaari nating sabihing may tatlong pangunahing tungkulin ang mga teatro sa unibersidad at ito ay ang mga sumusunod:  (1) ang pagbibigay ng magandang halimbawa (edification), (2) ang pagbibigay ng aliw sa mga manonood (entertainment) at (3) Pagtuturo o pagmumulat sa mga manonood (education).  Bilang mga artista, kayo ay tinitingala at hinahangaan ng inyong mga manonood at may katungkulan kayong magpakita ng magandang halimbawa sa inyong mga kaeskwela.  Ito ay hindi lamang sa panlabas na katangian kundi pati sa inyong kalooban at asal.  Kasama na rito ang patuloy na pagpapahusay sa sarili sa pamamagitan ng pag-aaral at pag-eensayo.  Ang isang maayos at pinag-isipang palabas ay magiging kalugod-lugod din sa mga manonood.  Kaya’t konektado ang tatlong ito.  Kung hindi nakakaaliw ang teatro, hindi nito mapupukaw ang atensyon ng manonood.  Kapag di naman napukaw ang atensyon ng mga manonood, hindi rin ito makakapagturo at makakapagbigay ng magandang halimbawa.

Maliban sa tatlong E na nabanggit, may ilan pang tungkulin ang artista at grupong panteatro.  Natutunan ko ito sa isang palihan ng Alyansa, Inc.  ilang dekada na ang nakalipas.  Gumamit ito ng acronym na ACTOR.
Artist
Community Oriented
Teacher / Trainer
Organizer
Researcher

Bilang artista tungkulin nating paghusayin ang ating sining.  Maganda kung mayroon tayong regular na programa na nakatuon dito.  Hindi dapat tayo nagsasawa o nanghihinayang dumalo sa mga gawaing magdadagdag ng ating kaalaman at galing bilang artista.

Ang tunay na artista ay may dalisay na pagmamalasakit sa komunidad na kanyang kinabibilangan.   Mulat din ang kanyang kamalayan sa kanyang paligid.  Nakikiisa rin siya sa mga programang pangkomunidad. 

Bilang artista tayong lahat ay teacher.  Kapag tayo ay nagtatanghal tayo ay nagbabahagi ng kaalaman at nagmumulat ng mga tao para sila man ay umunlad.  Kaya’t saan man tayo mapadpad, taglay natin ang mga katangian ng isang tunay na guro.

Ang artista ay dapat magaling mag organisa.  Sinisimulan niya ito sa kanyang sarili at kapag nabigyan ng pagkakataon ay nag-oorganisa rin siya ng komunidad.  Ang isang artista ay dapat maging isang lider.  Kaya nga angat ka iba.

Bilang artista, dapat ay sanay tayo sa pananaliksik upang mas makilala ang sarili at ang komunidad na kinabibilangan.  Ito ang isang tungkulin na minsan ay nakakaligtaan ng maraming artista o grupong panteatro.  Sa ating maliit na pamamaraan, tayo ay laging tumutuklas.  Simula sa pagpili ng dulang itatanghal, hanggang sa pagtalakay ng ating mga karakter na ginagampanan, hanggang sa mga formal na pananaliksik na magpapaunlad sa atin bilang sambayanan.    

Matapos nating matukoy ang napakaraming tungkulin di lamang ng grupong pandulaang naka-base sa mga unibersidad pati narin ang mga tungkulin ng isang indibidwal na artista, nais kong ibahagi sa inyo ang tinatawag kong mahiwagang bilog.

Why? How? What? (Bakit? Paano? Ano?) Ang payak na ideyang ito ang magpapaliwanag kung bakit nakakapagbigay inspirasyon ang ilang organisasyon at ilang kabataang-lider habang ang ilan naman ay hindi.  Hayaan ninyong ipaliwanag ko ito ng mabilis.  Sigurado ako syento porsyento na alam ng bawat isang tao at bawat isang organisasyong narito kung ano ang kanilang ginagawa.  Marami rin sa atin ang alam kung paano natin ginagawa ang ating pagiging artista.  May iba pa nga sa atin ang may mga estabisadong SOP (standard operating procedures) o propriety process.  Ngunit napakaliit na bahagi ng karamihan ay hindi alam kung bakit nila ginagawa ang kanilang ginagawa.  Bakit ka ba nag artista? Bakit ka ba sumali sa grupong panteatro? Bakit kayo may teatro sa unibersidad? At pag sinabi kong “bakit?” hindi koi big sabihing “kumita ng pera.” Ito ay resulta lamang.  Ang pagkita ng pera ay hindi dapat maging dahilan ng iyong pag-aartista o pagsali sa teatro.  Ang ibig kong sabihin sa “bakit” ay “ano ang iyong dahilan?”, “ano ang iyong layunin?”, “ano ang iyong paninindigan?”, “Bakit kayo bumuo ng teatro sa unibersidad?”, sabi nga sa isang komersyal…”Para kanino ka ba bumabangon?” at “ano naman ang pakialam naming dun?”

Kung iisipin natin, tayo ay nag-iisip, kumikilos, at nakikipag-usap mula sa labas ng bilog papasok.  Maliwanag naman na nagsisimula tayo sa pinaka malinaw hanggang sa pinaka malabong bagay.  Pero ang mga insipradong lider at inspiradong organisasyon – walang kinalaman dito ang kanilang laki o kung ano man ang kanilang produkto – kung mag-isip, kumilos at makipag-usap ay mula sa LOOB hanggang LABAS.

Bibigyan ko kayo ng halimbawa:  Tinawagan kayo ni J.P. at sinabi niyang “May University Theater Conference na gaganapin sa NCCA, iniimbitahan naming lahat ng mga teatrong naka-base sa mga unibersidad na dumalo… join kayo!” Nyek? May dating ba? Sasali ka ba? Di ba ganun tayo lahat makipag-usap? Sinasabi natin kung ano meron? Ano ang ginagawa natin? At paano ito naiiba o paano magyayari ito? At aasahan nating makatanggap tayo ng positibong sagot dito?  Mukha yatang hindi ako ma-iinspire dyan. 

Ngayon, baligtarin natin.  Tumawag si J.P. at sinabi niyang: “gusto naming magkaroon ng isang organisadong rehiyonal at pambansang ugnayan ang lahat ng mga grupong panteatro sa mga unibersidad. Nais rin naming magkaroon ng isang matibay na pambansang samahan kung saan ang lahat at maaaring makibahagi at makinabang kaya’t nag-organisa kami ng isang conferencia sa NCCA ngayong ika-26 at 27 ng Agosto na tinawag naming Tanghalan ng Mag-aaral.  Sali kayo!”  Yan ang dahilan kaya nandito kayong lahat ngayon.  At binaligtad ko lang ang ayos ng mga pangungusap.  Ano ang gustong sabihin nito? People don’t buy what you do; people buy why do it.  (Hindi tayo interesado kung ano ginagawa ng isang tao o grupo; mas interesado tayo kung bakit nila ginagawa ang kanilang ginagawa.) Ang layunin natin ay hindi ipaalam kung ano ginagawa natin kundi kung bakit natin ito ginagawa.  Kailangang mapaniwala natin sila sa mga bagay na pinaniniwalaan natin. 

Maging mga indibidwal man o organisasyon, sinusunod natin ang mga namumuno hindi dahil kailangan, kundi dahil gusto natin.  At sinusunod natin sila hindi para sa kanila kundi para sa atin rin.  Kaya lahat ng nagsisimula sa “bakit” ang may kakayanang magbigay inspirasyon sa mga taong nakapaligid sa kanila.  Kayo? Bakit ba kayo nandito?

Isang mapagpalayang araw sa lahat!



RONIE M. PROTACIO
Executive Director
Center for the Arts & Sciences
Artistic Director
Collective Arts of Students & Thespians
University of Makati

No comments: